MGA MAGAGARBONG ‘FIREWORKS DISPLAY’, NAGPAILAW SA KALANGITAN SA PAGSALUBONG NG 2014

Sinalubong ng maraming bansa ang 2014 sa pamamagitan ng magagarbong fireworks display.

Sa Australia, tumutok ang marami sa fireworks sa Sydney Harbour. Isa ang bansa sa mga unang sumalubong sa Bagong Taon. Mas naging espesyal ang okasyon dahil ipinagdiriwang din ang ika-40 anibersaryo ng Sydney Opera House.

Sa Dubai na nakagawa ng Guiness world record sa pinakamalaking fireworks show, nasa 500,000 pailaw ang ginamit para mapatingkad ang 100 kilometrong baybayin. Naging sentro ng selebrasyon ang Burj Khalifa na pinakamataas na gusali sa mundo.

Sa China, lumiwanag naman ang mga gusali ng Shanghai bago sumiklab ang fireworks pagsapit ng hatinggabi. Pinatugtog ang sari-saring New Year song pati ang “Firework” ni Katy Perry. Pinailawan naman ang Great Wall sa Beijing kasabay ng isang concert.

Kasabay nito, lumiwanag din ang Victoria Harbor sa Hong Kong at Taipei 101 sa Taiwan.

Hudyat naman ng pagpatak ng alas-12:00 sa Big Ben ang pagliwanag ng London. Natakpan pa ng pailaw ang millenium wheel.

Sa Las Vegas, nakiisa ang mga Pinoy sa New Year’s Eve party. Halos $500,000 ang ginastos para sa fireworks display doon.

Sa New York naman, hindi naging hadlang ang matinding ginaw para mapuno ang Times Square sa taunang Ball Drop.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/World

January 1, 2014 @ 07:42 PM