METRO MANILA at ILANG BAHAGI NG CAVITE, WALANG TUBIG NANG TATLONG ARAW SA DARATING NA SEMANA SANTA

Mawawalan ng tatlong araw na suplay ng tubig sa panahon  ng Semana Santa sa maraming lugar sa Metro Manila at Cavite.

Ang water interruption ay mararamdaman mula Abril 16, Miyerkules Santo hanggang Abril  19 Sabado de Gloria sa Makati, Malabon, Maynila, Navotas, Pasay, Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque at South Caloocan maging sa ilang bahagi ng Imus, Kawit,  Bacoor, Cavite City at Noveleta sa lalawigan ng Cavite.

Ayon sa Maynilad Waters, ang pagkawala ng suplay ng tubig ay bunga ng  gagawing interceptor drainage box culvert ng  Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Blumentrit  St., Maynila.

Tatamaan ang flood control project na ito sa linya ng tubig ng Maynilad Water Services, Inc. (Maynilad) sa Juan Luna St. at Hermosa St. kaya kinakailangang ilihis ng Maynilad ang linya nito upang solosyunan ang madalas na pagbaha sa Maynila.

Bunga ng water interruption, magbubukas ng apat na deepwell ang Maynilad para maserbisyuhan ang mga residente sa mga  apektadong lugar. Mayroon ding  60 water tanker ang nakahanda para dalhan ng tubig ang mga lugar na makakaranas ng tatlong araw na service interruption.

Hinikayat din ng Maynilad ang mga nakatira sa nabanggit na mga lugar na bago sumapit ang takdang araw ng water interruption ay agad na mag ipon ng tubig para may magamit sa panahon na walang suplay.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://www.philstar.com/bansa

April 1, 2014 @ 10:08 AM