MARTSA PARA SA KALAYAAN KONTRA PAMBU-BULLY NG CHINA, NAKATAKDA KASABAY NG ARAW NG KALAYAAN

Ipapakita ng ilang grupo ang kanilang pagkadismaya laban sa paniniil ng China sa Pilipinas sa pamamagitan ng kilos-protesta sa mismong Araw ng Kalayaan.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Roilo Golez, dating kinatawan ng 2nd district ng Parañaque, na kabilang sa makikiisa sa pagkilos sa Hunyo 12 ang kanyang grupo na “Di Ka Pasisiil Movement”.

“Para iparating sa China na tayo’y naninindigan [na] pinapasok nila ang ating teritoryo, soberenya natin, exclusive economic zone [at kahit] meron silang pagbabanta, ang Pilipinas ay handang manindigan dito,” ani Golez.

Binanggit din niyang inorganisa ng iba’t ibang grupo ang malawakang protesta na tinawag na “Martsa para sa Kalayaan” at inaasahang lalahukan ng iba’t ibang sektor.

Katulad ng Million People March noong 2013, inihayag ni Golez na sa social media rin nabuo ang panawagan para sa pagkilos.

“Ang pag-mobilize nito ay sa pamamagitan ng Facebook, sa pamamagitan ng texting, sa pamamagitan ng e-mail.”

Sa mga nais makiisa, alas-9:00 ng umaga anya ang assembly time ng “Martsa para sa Kalayaan” na gaganapin naman sa Chinese Embassy sa Makati.

 

SOURCE: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/%27Martsa_para_sa_Kalayaan%27_vs_China%2C_kasado_na_sa_Hunyo_12.html

June 1, 2014 @ 08:12 PM