MAINIT NA PANAHON, UNTI-UNTI NANG MARARANASAN SA METRO MANILA, VISAYAS at MINDANAO DAHIL SA PAGHINA NG AMIHAN

Easterlies o ang mainit na hanging mula Karagatang Pasipiko ang umiiral sa bahagi ng bansa.

Ipinaliwanag ni PAGASA weather forecaster Fernando Cada, sa isang panayam, na ito ang dahilan ng mainit na panahon na nararanasan simula nitong Sabado partikular ang silangang bahagi ng bansa.

Kasabay nito, humina na rin anya ang Amihan o northeast monsoon kung saan tanging sa Taiwan na lamang ito nadarama at hindi na bumababa pa sa dulong Hilagang Luzon.

“Pero may good news pa rin tayo lalo na sa extreme Northern Luzon, bukas uli, magkakaroon uli ng hanging Amihan sa Northern Luzon at medyo malamig na temperatura ang mararamdaman nila,” detalye ni Cada.

Ngunit asahan na anya sa Metro Manila, Visayas at Mindanao ang paunti-unti nang pag-init ng panahon.

“Yung temperature na naramdaman natin dito sa Metro Manila noong January, definitely po siguro [sic] hindi na po natin mae-enjoy ‘yun.”

Magtatagal pa rin ang Amihan season hanggang sa ikatlong linggo ng Pebrero at posibleng magkaroon pa ng huling bugso ng northeast monsoon.

Pero pagsapit anya ng March o April, hihina na ang pinagmumulan ng Amihan sa Siberia at papasok na ang tag-araw.

 

NEWS ARTICLE FROM: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

February 3, 2014 @ 10:30 AM