MAHIGIT 20M MAG-AARAL, BALIK ESKWELA NA SA JUNE 2

Inaasahang mahigit 20 milyong mag-aaral ang magbabalik-eskwela ngayong Lunes, Hunyo 2.

Sa pagtaya ng Department of Education (DepEd), sa pamamagitan ni Asec. Jesus Mateo sa panayam ng DZMM, kung isasama ang nasa mga pribadong paaralan, papalo ang bilang ng mga magbabalik-eskwelang mag-aaral sa buong bansa sa 23 milyon.

Nasa 20 milyon aniya sa mga ito ang sa pampublikong paaralan.

Una nang tiniyak ng kagawaran na “all systems go” na sila sa pasukan.

Una nang nilinaw ng DepEd na handa ito sa pangangailangan ng mga magsisibalik-eskwelang mga estudyante.

Sapat naman anya ang mga silid sa bansa ngunit mayroon pa ring siksikan sa malalaki ang populasyon na mga eskwelahan.

One-is-to-one na rin anya ang mga upuan at libro kada estudyante.

Nagkakaroon lamang anya ng aberya dahil sa mga estudyanteng huling nagpatala o mag-enroll sa taong ito.

Tiniyak naman ni Mateo na nadagdagan na simula noong 2010 ang bilang ng mga guro sa bansa.

Sabi naman ni DepEd Assistant Secretary Tonisito Umali, kabilang din sa mga handa na sa pasukan ang mga lugar na sinalanta ng super typhoon Yolanda.

Pero sa makeshift classrooms at ‘temporary learning spaces’ muna ilalagay ang ilang estudyante para masigurong makakapagsimula nang maayos ang klase.

Ito’y dahil nagpapatuloy pa rin ang pagkumpuni at rehabilitasyon ng 17,000 silid-aralan na nasira ng bagyo.

Bukas pa rin ang kanilang help desk at karamihan sa mga tanong na kanilang natatanggap ay tungkol sa mga ‘transferee’ o nagbabalak lumipat ng paaralan.

Nakaalerto na rin ang PNP sa mga ilalatag nitong hakbang para matiyak ang seguridad ng kabataan ngayong pasukan.

Bukod pa ito sa ayuda sa trapik na ilalatag naman ng mga tauhang ide-deploy ng MMDA ngayong Lunes.

 

SOURCE: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/Higit_20-M_estudyante%2C_inaasahang_dadagsa_ngayong_Lunes.html

June 1, 2014 @ 08:22 PM