MAGUINDANAO, NASA STATE OF CALAMITY DAHIL SA BAHA

Nagpaabot na ng tulong ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Humanitarian Emergency Action and Response Team (HEART) sa mga pamilyang naapektuhan ng baha sa ilang bayan ng Maguindanao.

Dala ang libu-libong relief goods na naglalaman ng bigas, noodles at sardinas, tinungo ng ARMM-HEART ang mga barangay ng Mother at Northern Kabuntalan na kabilang sa matinding nakakaranas ng baha.

Lubos namang nagpasalamat ang halos 2,000 pamilya sa tulong ng ARMM-HEART.

Ayon kay Myrna Jo Henry ng ARMM-HEART, magpapatuloy ang kanilang pamamahagi ng tulong sa mga biktima ng baha alinsunod sa kautusan ni ARMM Governor Mujiv Hataman.

Samantala, idineklara na rin ng Provincial Government ng Maguindanao ang state of calamity sa lalawigan ayon pa sa impormasyong ipinaabot ni Maguindanao Board Member Jojo Sinsuat Limbona.

Ito’y kahit unti unti nang humuhupa ang baha sa 13 bayan ng Maguindanao.

Dagdag pa ni Board Member Limbona, patuloy na minamatyagan ang sitwasyon ng 13,064 na residente na apektado ng kalamidad.

 

 

Source: http://www.bomboradyo.com/news/top-stories/item/64060-maguindanao-state-of-calamity-dahil-sa-baha

June 23, 2014 @ 05:56 AM