LUZON, METRO MANILA, PINAGTITIPID SA PAGGAMIT NG XMAS LIGHTS UPANG MAKAPAGBAHAGI NG KURYENTE SA VISAYAS

Nanawagan kahapon si Energy Secretary Jericho Petilla sa mga “energy consumers” sa Luzon at Metro Manila na magtipid muna sa paggamit sa kuryente partikular sa mga Christmas lights para may maibigay na enerhiya sa Visayas.

Sinabi ni Petilla na magdedepende pa rin umano ang pagpapailaw sa mga lalawigang napu­tol ang suplay ng kuryente sa matitipid ng mga power distributors o surplus na enerhiya buhat sa mga consumers sa Luzon at Metro Manila.

Sa datos ng DOE, karaniwan umano na pinakamataas ang konsumo ng kuryente ng mga taga-Metro Manila tuwing “summer” o tag-init habang mababa ang konsumo sa mga buwan ng Oktubre at Nobyembre dahil sa pag­lamig ng panahon. Muli itong tumataas pagsapit ng Disyembre dahil sa paggamit ng samu’t sa­ring mga dekorasyon na gumagamit ng kuryente tulad ng Christmas lights ng mga bahay at maging ng mga negosyo.

Kung makakatipid umano ang mga residente at negosyante ng Metro Manila kahit sa konsumo ng Christmas lights ay maaaring ma­ging sapat ang matitipid na kuryente na maibabato naman nila sa mga lalawigan sa Western Visayas para magkailaw ang mga kabahayan bago sumapit ang Pasko.

Unang itinaya ni Petilla ang kanyang puwesto sa pangakong maibabalik niya ang suplay ng kur­yente sa Western Visayas bago mag-Disyembre 24 bilang kanilang aginaldo sa mga mamamayan nito.

Sinabi pa ng kalihim na kahit saang lugar, ang unang senyales ng pag-asa ay ang pagkakaroon ng ilaw o elektrisidad.  Kailangan umanong ma­kipagtulungan ng mga taga-Luzon at Metro Manila para maibalik ang pag-asa o tiwala ng mga taga-Western Visayas sa kanilang kinalakhang lugar.

 

SOURCE:  http://www.philstar.com/bansa

November 21, 2013 @ 11:55 AM