LTFRB CHAIRMAN WINSTON GINEZ, PINAGBIBITIW SA TUNGKULIN

winston-ginez

Kinuwestiyon ng mga mambabatas ang umano’y ilegal na pagrepaso ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa prangkisa sa mga umano’y pinaborang bus company.

Lumitaw sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development nitong Miyerkules ang kontrobersyal na desisyon ng LTFRB na nag-apruba sa aplikasyon para sa route modification o pagbabago ng ruta ng bus operator na Pangasinan Solid North Inc.

Ito’y kahit hindi ito bagong operator bukod pa sa walang business permit, terminal at garahe sa bagong ruta.

Nabatid din na nagkaroon pa ng hindi pagkakaunawaan ang mga opisyal ng LTFRB matapos lumabas ang desisyon nang walang pirma ni Chairman Winston Ginez.    

Sa panayam ng DZMM, ipinaliwanag ni Ginez na hindi lamang Pangasinan Solid North Inc. kundi higit sa 100 bus company ang sumalang sa proseso para makapagbago ng ruta.

“Noong kaming magsimulang magpatupad ng out-of-line violation, na kung matatandaan nyo po ay may P1 million na penalty, sabi po nila (bus companies) sa amin na sa tagal ng panahong hindi nagkaroon ng pagbabago ng ruta, ng pagtatama, ay napilitan po silang puntahan at tugunan ang pangangailangan ng ating mga mamayan, ‘yung mga dati pong hindi nila naaabot dahil wala sa linya nila,” ani Ginez.

“Pero dahil nagkaroon ng pagdami ng ating mga mananakay, ng growth areas, ng mga tourism areas at mga bagong daan, inamin po nila at naging bukas naman po ang mga discussion po namin noon, na hindi na nga po nila nasunod ang kanilang [ruta].”

Dumaan anya ang mga kumpanyang nais ng route modification sa paglilimbag ng kanilang anunsyo sa mga pahayagan, mga pagdinig sa LTFRB.

Sama-sama rin anyang nagdesisyon ukol sa mga aplikasyon ang lahat ng opisyal ng LTFRB.

 

 

SOURCE:

winston-ginezhttp://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/LTFRB_chair_Ginez%2C_pinagbibitiw_dahil_sa_%27ilegal%27_na_pagrepaso_ng_prangkisa.html

August 6, 2015 @ 11:34 AM