LPA NA NAKAAMBANG PUMASOK SA PAR, MALIIT ANG TSANSANG MAGING BAGYO – PAGASA

Binabantayan pa rin ng PAGASA ang low pressure area (LPA) sa silangang bahagi ng Mindanao.

Sa panayam ng DZMM kay PAGASA weather forecaster Meno Mendoza, sinabi nitong nasa labas pa rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang sama ng panahon.

Ngunit magkakaroon ng mahinang pag-ulan at pulo-pulong pagkidlat-pagkulog sa rehiyon ng Caraga, Davao at Northern Mindanao.

“Sa ngayon, medyo mababa pa [ang tsansa nitong maging bagyo]. Pero patuloy po nating mino-monitor kung ano pong magiging development,” ani Mendoza.

Papalapit ng Northern Mindanao ang rutang tinutumbok ng LPA.

Mamayang gabi o Miyerkules ng umaga inaaasahang papasok ng PAR ang LPA. Oras na nasa loob na ng teritoryo ng bansa, inaasahan ng PAGASA na nasa lakas pa rin ito ng LPA.

Samantala nararamdaman pa rin sa bansa ang Amihan o northeast monsoon at hindi pa rin panahon ng tag-init.

Pulo-pulong mahinang pag-ulan ang aasahan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.

May gale warning pa rin sa eastern seaboard ng Southern Luzon, maging sa Visayas at Mindanao.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

March 18, 2014 @ 09:43 AM