LGU’s NA NAGTATAMBAK LANG NG AYUDANG RELIEF GOODS, KAKASUHAN NG DSWD

Ipasisilip ni Social Welfare and Development Secretary Dinky Soliman sa tauhan ng ahensya ang katotohanan sa ulat na mga maraming relief goods ang nakatambak lamang sa ilang bayan sa Leyte.

Partikular na tinutukoy sa ulat ang mga bayan ng Tanauan, Javier, Dulag, Mayorga at McArthur.

Paliwanag ng kalihim sa panayam ng DZMM, sa pagkakaalam niya may sistema ng pamamahagi sa Javier.

“Amin pong papupuntahan… ngayong araw para malaman at kakausapin sila na hindi pwedeng hindi niyo pinamimigay at iniimbak ang mga bigas,” ani Soliman sabay sabing kung hindi tutupad ang mga ito, hahanap sila ng paraan na maidiretso ito sa mga barangay.

Una nang dumipensa ang mga tauhan sa mga tanggapang may tambak ng relief goods sa pagsasabing kapos pa sila sa trak at gasolina para maipamahagi ang mga tulong.

Dagdag naman ng kalihim, sa pag-iikot aniya ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa Mayorga at McArthur, nangako na ang mga lokal na opisyal na maipamimigay na ang mga relief ngayong araw.

Babalikan ang mga ito para matiyak kung tumupad ang mga opisyal.

Ukol sa problema sa kakapusan ng gasolina, sinabi ni Soliman na may bukas nang mga gasolinahan sa Palo at Tacloban. Maaari rin silang humingi ng tulong sa Task Force Normalization.

Pwede aniyang kasuhan ang mga mapapatunayang may pagkukulang.

“May paraan kapag gusto talaga [na maipamigay]. Pwede silang kasuhan kapag ganyan. Tuwing emergency, ang unang responder ay local government unit, ang national ay dagdag-tulong lang, ngayong dinagdagan ng tulong sila, tapos hindi nila ginagawa ang dapat nilang gawin, pwede natin silang kasuhan,” pagdeklara nito.

Tututukan din sa pag-iikot ang mga ulat na hindi pa rin nakakatanggap ang ilang lugar ngunit sa rekord ng DSWD ay malaki na ang naihatid na tulong doon.

Sinabi naman ni Soliman na nagmo-monitor sila sa mga pumapasok na relief efforts, lokal man o mula sa ibang bansa ngunit nilinaw nitong hanggang sa ugnayan lamang sila at ang mga grupo ang siyang namimigay nito.

 

SOURCE: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

November 21, 2013 @ 12:11 PM