LAGUNA GOV. ER EJERCITO, HINDI BABABA SA PWESTO; HALOS 100 PULIS, IDINEPLOY

Nagdeploy na kahapon ang Philippine National Police (PNP) ng 100 pulis sa kapitolyo ng Laguna kaugnay ng standoff sa pagitan ng mga supporters ng itinalagang bagong gobernador at pinatalsik na si Laguna Gov. Emilio Ramon “ER” Ejercito dahil umano sa overspending noong 2013 elections.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief, C/Supt. Reuben Theodore Sindac, ipatutupad ng kapulisan ang pagpapanatili ng peace and order upang maging maayos ang paglilipat ng liderato ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna.

Kahapon ay naisilbi na ang ‘writ of execution’ mula sa Comelec laban kay Ejercito na tumangging bumaba habang hinihintay pa ang desis­yon ng Korte Suprema sa kaniyang inapelang mosyon.

Bandang alas-3 ng hapon nang isilbi ni DILG Region IV-A Director Josefina Go ang kautusan sa kapitolyo at kalmado namang tinanggap ni Ejercito

Nangangahulugan na epektibo kahapon ay si Ramil Hernandez na ang kikilalaning gobernador ng Laguna.

Maaari pa naman umanong manatili sa kapitolyo si Ejercito ngunit hindi na ito pipirma, mag-uutos o gagawa ng iba pang tungkulin ng isang gobernador.

Sa kasalukuyan ay tensiyonado pa rin ang sitwasyon sa kapitolyo ng Laguna sa pagitan ng mga tagasuporta nina Ejercito at Hernandez.

Si Hernandez ay sa gymnasium ng provincial capitol nag-oopisina dahil hindi pa umaalis sa puwesto si Ejercito.

Nabatid kay Sindac na nagsagawa ng security conference ang Police Regional Office (PRO) IV A para sa paiiraling seguridad upang maiwasan ang anumang karahasan.

Sa ngayon ay ta­nging ang status quo ante order na lang mula sa SC ang makakatulong kay Ejercito para mabawi ang puwesto.

 

SOURCE: http://www.philstar.com/bansa/2014/05/29/1328495/ejercito-di-bababa-100-pulis-idineploy-sa-laguna

May 29, 2014 @ 04:31 PM