LABI NG 7 PINOY NA KASAMANG NASAWI SA SUICIDE BOMBING SA YEMEN, NAIUWI NA SA BANSA

Naiuwi na sa Pilipinas ang labi ng pitong Pinoy na nasawi sa suicide bombing sa Yemen Defense Ministry sa Sanaa noong Disyembre 5.

Idinaan sa cargo house ng Clark International Airport ang tatlong labi na isinakay sa Emirates Airlines flight.

Kinilala ang mga labi ng Pinoy workers na sina Marivic Badenas, 39 anyos mula Bataan na isang caregiver; Marianne David, 28 anyos na nurse mula Guagua, Pampanga at Aurora Gormate, 24 anyos na nurse mula Mariveles, Bataan.

Dadalhin sa Pangasinan si Badenas dahil naroon ang kanyang asawa.

Todo hinagpis ang anak ni Aurora na si Joyce na kasama sa Yemen nang mangyari ang pagsabog.

Hindi naman matanggap ng kapatid ni Marianne na si John Mark ang kalunos-lunos na sinapit ng nakakabatang kapatid.

Nakatakda sanang umuwi sa bansa si Marian sa Disyembre 23 kung saan nakabili na sya ng tiket.

Una nang dumating ang apat na labi ng Pinoy workers na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Cargo Terminal, Martes ng umaga.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

December 18, 2013 @ 06:41 AM