JIMMY ALAPAG, PUMIRMA NG TWO-YEAR CONTRACT SA MERALCO BOLTS

ineng-debris-1

Bago siya sumama sa Gilas Pilipinas patungong Estonia ay pinirmahan muna ni one-time PBA Most Valuable Player awardee Jimmy Alapag ang kanyang kontrata para sa bagong koponang Meralco.

Lumagda ang 37-anyos na si Alapag ng two-year contract na nagkakahalaga ng P10.08 milyon.

Muling maglalaro si Alapag, ang 2003 Rookie of the Year awardee at kamador ng Talk ‘N Text, matapos ihayag ang kanyang pagreretiro noong Pebrero sa 2015 PBA All-Star sa Puerto Princesa, Palawan.

Nang simulan ni coach Tab Baldwin ang ensayo ng Gilas Pilipinas training pool ay napuwersa si Alapag na tumulong para sa kampanya sa 2015 FIBA Asia Championship sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 3 sa Changsha, China.

Ang 5-foot-7 na si Alapag ang nanguna sa laban ng Nationals noong 2013 FIBA Asia Championships sa Manila at noong 2014 FIBA World Cup sa Spain.

Kumpiyansa si mentor Norman Black na malaki ang magiging kontribusyon ni Alapag sa Bolts para sa darating na 41st PBA season na magsisimula sa Oktubre 18.

Maglalaro si Alapag para sa kanyang pang-13 season sa PBA.

Samantala, pumirma na rin ng kanilang mga kontrata sina Jeff Chan (Rain or Shine), Alex Mallari (Star) at Cliff Hodge (Meralco).

Nilagdaan nina Chan, Mallari at Hodge ang kanilang mga maximum three-year contracts na nagkakahalaga ng P15.12 milyon.

 

 

SOURCe:

http://www.philstar.com/psn-palaro/2015/08/22/1490767/alapag-pumirma-ng-p10m-sa-bolts

August 22, 2015 @ 06:04 PM