ISANG GRUPO, NANAWAGAN KAY US PRESIDENT BARACK OBAMA NA HARAPIN ANG ISYU UKOL SA HUMAN RIGHTS SA PINAS

Nanawagan kaha­pon ang Human Rights Watch kay United States President Barack Obama na igiit sa administrasyong Aquino na  isakatuparan ang mga pangako nito na ihihinto ang mga extrajudicial killing at ipakulong ang mga nagkasala.

Darating ngayong araw na ito sa Pilipinas si Obama bilang bahagi ng kanyang four-nation tour  para palakasin ang relasyon sa mga kaalyado ng US sa Asya.

Sa isang liham na ipinadala kay Obama noong nakaraang buwan, hinikayat ng Human Rights Watch ang US leader na talakayin ang isyu ng karapatang pantao sa kanyang pagbisita sa Maynila.

“Peligroso pa rin para sa mga aktibista at mamamahayag ang Pilipinas,” ayon kay Human Rights Watch Asia Advocacy Director John Sitton.

Sinabi ng grupo na, bagaman merong isinasagawang reporma ang administrasyong Aquino sa ilang larangan, nabigo itong sawatain ang mga extrajudicial killing, torture at enforced disappearances.

“Nabawasan sa pang­kalahatan ang mga abuso mula sa naunang admi­nistrasyong Arroyo pero patuloy pa rin ang  pamamaslang sa mga political activist, environmental advocates na tila kinasasangkutan ng ilang lokal na awtoridad at puwersang panseguridad,” sabi pa ng Human Rights Watch.

Noong nakaraang taon, 12 journalist ang pinatay na nagbunsod para umabot sa 26 ang kabuuang bilang ng mga pinaslang na mamamahayag mula nang umupo sa puwesto si Pangulong Benigno C. Aquino III.

Samantala, nagsa­gawa kahapon ng mga kilos-protesta ang mga Pilipinong nasa iba’t-ibang bansa para kondenahin ang pagdalaw ni Obama sa Pilipinas.

Sinabi ni Migrante International Chairman Garry Martinez na ang mga overseas Filipino sa Hong Kong, Australia, Canada, South Korea, Japan, Saudi Arabia, Austria, Europe at United States ay nagsagawa ng mga kilos-protesta at nagsunog ng mga bandila.

Isinagawa nila anya ang mga pagkilos para kondenahin ang pamahalaang Amerkano sa pamiminsala nito sa mamamayang Pilipino at sa likas na yaman ng bansa.

“Ang pagbisita ni Obama sa Japan, Malaysia, South Korea at Pilipinas ay naglalayong tiyaking ligtas ang war-mongering at selfish interest ng US sa rehiyon,” sabi ni Martinez.

Sinabi pa ni Martinez na naiirita ang mga Overseas Filipino Worker sa tahasan at nakakahiyang pagiging sunud-sunuran ng administrasyong Aquino sa US neoliberal agenda.

Nagsunog din ng mga bandila ang mga miyembro ng Migrante sa  Quezon City, Manila at Caloocan.

 

NEWS ARTICLE FROM: http://www.philstar.com/bansa

April 28, 2014 @ 08:53 AM