IPINAKULONG NA ‘ASSISTANT’ NI CLAUDINE BARRETTO, PINYANSAHAN NI GRETCHEN BARRETTO

Nakalabas na sa Marikina City Jail ang dating kasambahay ni Claudine Barretto matapos ang higit 10 buwan sa kulungan sa kasong qualified theft na isinampa ng aktres.

Bagama’t nakalaya na, hindi pa rin tuluyang nakakalaya sa trauma si Dessa Patilan na walang tigil sa pag-iyak nang makapanayam.

Inamin nito na nagtangka siyang magpakamatay habang nasa kulungan.

“Dumating po ‘yung time na nandun lang ako sa gilid, parang wala na pong bukas… Para pong bumabagsak na ako na hindi ko na kaya, nawalan ako ng pag-asa.”

Mayo 2013 nang makulong si Patilan dahil sa kasong pagnanakaw na isinampa sa kanya ni Barretto matapos umanong pagnakawan ng higit P8 milyong halaga ng alahas at pera.

Pero bumwelta rin si Patilan ng kasong theft at iginiit na siya ang ninakawan ng aktres nang halughugin nito ang kanyang gamit at kunin ang perang higit P10,000, tablet at sim card.

Buo naman ang kumpyansa ng panig ng dating kasambahay.

“Very confident kami that hindi lang substantiative issues kundi procedural issues, illegal searches and seizures. Ang gusto ko lang, magpasalamat sa lahat ng tumulong kay Dessa,” banggit ni Atty. Alma Mallonga, abogado ni Patilan.

Pro bono o walang bayad na tinanggap ni Mallonga ang kaso ni Patilan noong 2013.

Inamin din ni Mallonga na mismong ang nakaalitang kapatid ni Claudine na si Gretchen Barretto ang naglapit sa kanya ng kaso at ang nagbayad ng P60,000 na piyansa ni Patilan.

Pansamantalang mananatili si Patilan sa isang private orphanage.

Samantala, sa ipinadalang text message ng abogado ni Claudine, tumanggi muna silang magkomento kaugnay sa paglaya ni Patilan dahil wala pa silang nababasang dokumento.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Entertainment

March 18, 2014 @ 09:35 AM