INA NA NANAMPAL NG BAGONG SILANG NA SANGGOL SA VIRAL VIDEO, INIHIWALAY MUNA

Pinaghiwalay muna ang mag-ina sa kumakalat na video kung saan ipinakita na pinagsasampal ng isang ginang ang kanyang sanggol sa Pasay City General Hospital.

Ayon kay Rosalinda Orobia, hepe ng Pasay City Social welfare development, nasa pangangalaga na nila ang hindi pinangalanang ginang na isasailalim sa psychological evaluation.

Sakaling mapatunayang may diperensiya ito sa pag-iisp ay ipapasa nila sa National Center for Mental Health ang pangangalaga dito.

Ikokonsidera rin kung dumadaan lamang ang ginang sa post-partum syndrome o pansamantalang pagkakaroon ng problemang emosyonal at psychological na posibleng maranasan ng mga bagong ina.

Agosto 18 ng umaga nang isilang ng ina ang sanggol at kinabukasan ay nakuhanan ito ng video na sinasaktan ang bata.

Isinumbong ng nag-upload ng video ang pangyayari sa isang social worker sa ospital.

Ang sanggol na hindi na idinetalye ang kasarian ay nananatili sa pagamutan. Hinihintay na lamang ang rekomendasyon ng doktor kung maari na itong ilabas.

Sinabi ni Orobia na Ibibigay nila ang sanggol sa pamilya ng ina nito pero kung wala namang kumuha dadalhin sa Reception Center ng DSWD sa Quezon City.

 

 

SOURCE:

http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Metro/Sanggol_na_sinampal_sa_viral_video%2C_inihiwalay_muna_sa_ina.html

August 22, 2015 @ 05:55 PM