ILANG OPISYAL NG PHL EMBASSY SA KUWAIT, INIREKLAMO NG 2 PINAY OFW’s

Ilang opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang inireklamo ng ilang overseas Filipino workers (OFWs) na nasa likod umano ng labor at sex trafficking doon.

Kamakailan, dumating sa bansa sina alyas “Kris” at “Sarah” mula Kuwait at ikinwento ang pang-aabuso, hindi lamang ng kanilang mga naging amo kundi pati ng mga opisyal ng embahada.

Ani Kris, pinasakan siya ng kutsilyo ng among babae. Inisprayan din siya ng clorox at sinabuyan pa ng sili sa kanyang ari.

Nang magkaroon ng pagkakataon, tumakas si Kris patungong embahada at nakausap ang hepe ng Assistance to Nationals Unit na si Ibrahim “Jack” Tanandato.

Anya, tiniyak nitong malakas ang kanyang kaso at tutulungan siyang maghain ng reklamo sa korte.

Pero makalipas ang isang taon kung saan namalagi siya sa shelter ng Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA), walang nangyari sa kanyang kaso.

Isang araw, nagulat na lang si Kris nang sabihan siyang talo ang kanyang kaso.

Humingi si Kris ng tulong sa isang banyagang abogado. Dito anya niya nalamang wala palang ginawa si Tanandato para umusad ang kaniyang kaso.

Nanalo ang apela ni Kris sa tulong ng banyaga na siya ring tumulong sa kanya para makauwi sa Pilipinas.

Pero bago pa siya makabalik sa bansa, isang tauhan umano ng embahada ang nag-alok sa kanya ng sex kapalit ng pag-uwi.

Si Sarah, tumakbo rin sa embahada matapos pagmalupitan ng among babae.

Gaya ni Kris, pinangakuan din siya ng tulong ni Tanandato.

Umabot sa mahigit walong buwan ang paghihintay ni Sarah sa OWWA shelter at habang naghihintay, ginawa anya siyang katulong ni Tanandato.

Kinalaunan, nadiskubre niyang binayaran na pala siya ng kanyang amo isang araw lang matapos niyang tumakas.

Ayon kay Sarah, nasa 1,000 Kuwaiti Dinar ang ibinayad ng kanyang amo pero kalahati lamang ang ibinigay sa kanya ng Embassy official.

Ayon kay Assistant Secretary Lila Ramos-Shahani na tumutulong ngayon sa mga inabusong OFW mula Kuwait, kabilang sina alyas “Kris” at “Sarah” sa mga OFW na nagsumite na ng affidavit kaugnay ng imbestigasyon sa human at sex trafficking na isinasagawa ng gobyerno.

Sa dokumentong nakuha ng ABS-CBN, lumalabas na bukod kay Tanandato, itinuro rin ng mga biktima sina dating Ambassador Shulan Primavera at mga dating Vice Consul Rea Oreta at Shiela Monedero na bahagi ng grupong nagsasamantala sa mga OFW sa Kuwait.

May ilan pang labor officers at pribadong mga indibidwal gaya ng recruiter at mga abogado na tinukoy.

Nabatid namang ni-recall na ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga isinangkot na opisyal.

Hawak na rin ng Department of Justice (DOJ) ang report ng task force para sa pagsasampa ng mga kaukulang kaso.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

January 21, 2014 @ 11:07 AM