HOLD DEPARTURE ORDER NG SANDIGANBAYAN, ‘OKS’ LANG KAY SEN. JINGGOY,

Hindi ikinabahala ni Senador Jinggoy Estrada ang paglalabas nghold departure order (HDO) ng Sandiganbayan laban sa kanya.

Sa panayam ng DZMM, ikinatwiran ng senador na wala naman siyang planong tumakas ng bansa.

“Okay lang ‘yan (HDO). Wala naman ho akong planong umalis ng bansa… Dun sa mga nag-iisip na ako’y tatakas ng bansa, hindi po mangyayari ‘yan.”

“Haharapin ko ‘yan. I’ll fight it out up to my last breath,” dagdag pa ni Estrada patungkol sa kinakaharap na kaso sa multi-bilyong pork barrel scam.

Iginiit din ng senador na hindi sila flight risk ng mga kapwa-akusadong sina Sen. Juan Ponce-Enrile at Sen. Bong Revilla.

“Kaya ikinukulong, hindi naman dahil guilty na. Kaya ikinukulong, baka aalis ng bansa ang isang akusado. In our case, high-profle personalities kami. We can’t just join the crowd, makikilala at makikilala kami. Ibig sabihin, hindi kami flight risk. We will submit ourselves to the court at any given time na kailangan kami.”

Ito rin ang ikinatwiran ni Estrada sa hirit na makapagpiyansa bagama’t not-bailable ang kasong plunder na naisampa na sa Sandiganbayan.

Patungkol naman sa umano’y inihandang kulungan ng Philippine National Police (PNP) para sa kanilang tatlo, sinabi ni Estrada, “‘Yung may final say naman diyan, ‘yung korte, ‘yung husgado kung saan kami dadalhin, hindi ‘yung PNP.”

Tulad naman ni Revilla, may plano rin si Estrada na maglibot para magpasalamat sa mga tagasuporta ngunit marami pa anya siyang ibang ginagawa sa ngayon.

Gayunman sa panayam, nagpaabot na rin ng pasasalamat si Estrada sa suporta ng kanyang pamilya at mga kababayang naniniwala pa rin sa kanya.

Sa hiwalay namang panayam ng DZMM, nagpahayag ng kumpiyansa sa anak si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Erap Estrada.

“Malakas naman ang loob ng anak kong ‘yang si Jinggoy e. He can defend himself at na-experience na namin ‘yan,” ani Erap.

 

SOURCE: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/Jinggoy%3A_%27Di_ako_tatakas%21.html

June 16, 2014 @ 07:05 PM