HIGANTENG TRAPIKO, ASAHAN SA UMPISA NG KONSTRUKSYON NG SKYWAY STAGE 3

SA pag-uumpisa ngayong araw sa Skyway 3 project na isa sa 15 infrastructure projects ng gobyerno na nakalinya hanggang 2016, mas titindi pa ang trapiko sa Metro Manila.

Sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chair Francis Tolentino na mamayang 10 ng gabi, magsisimula ng konstruksyon ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa  Skyway 3 project  na elevated expressway at magpapaluwag ng trapiko sa EDSA, Quezon Avenue, Araneta Avenue, Nagtahan, at iba pang pangunahing kalsada sa Kamaynilaan.

Idudugtong din nito ang South Luzon Expressway (SLEx) at North Luzon Expressway (NLEx).

Pinakamaaapektuhan sa Lunes ng gabi ang bahagi ng San Andres – F. Zobel bago mag-Plaza Dilao at paglagpas ng Buendia – Makati area.

Tuloy-tuloy na aniya ang paggawa 24 oras pitong araw ng linggo, kaya ibinabala ng  awtoridad ang matinding trapik sa loob ng susunod na mahigit dalawang taon.

Ang mga kalapit na establisimiyento na maaaring maapektuhan ng trapik dulot ng nasabing konstruksyon ay ang Balingasa Elementary School, San Jose Elementary School and High School, Sergio Osmena Sr. High School, Masambong Elementary School, Perpetual Learning Center, Delos Santos College, Betty Go Elementary School, Carlos L. Albert High School, University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center (University), Central Colleges of the Phils., Immaculate Heart of Mary College Roosevelt Colleges, San Juan Makati College (dating Makati Polytechnic), Makati Science High School, Paaralang Elementarya ng San Antonio, Paaralang Rafael Palma, Manuel A. Roxas High School, La Concordia College, Paaralang Zamora, Polytechnic University of the Philippines, Central College of the Philippines, Siena College at Mataas na Paaralang Sergio Osmena.

Kabilang din ang National Children’s Hospital, Delos Santos Medical Center Quezon Institute San Juan Medical Center Unciano General Hospital, St. Claire Patronage of the Sick and the Poor Asthman, Heart, Lung Clinic, American Medical Hospital, University of the East, Ramon Magsaysay Hospital, Health Center at Lying-in Clinic.

Mayroon pa anyang uumpisahang infra projects sa Abril at sa Hunyo ngayong taon.

Sa ngayon, bahagya pa lamang na madadama ang epekto ng buena manong proyekto ngunit ang mahirap anya ay “‘pag nagsabay-sabay na, dahil mayroong point in time na mag-o-overlap, magkakasabay-sabay na. ‘Yun na talaga mahigpit ang trapiko.”

Huling tatlong buwan ng 2014 anya posibleng asahan ang “impact” ng sabay-sabay na paggawa, tulad ng EDSA-Taft flyover at repair ng Magallanes interchange.

Dahil dito, magdadagdag ng traffic enforcer ang MMDA.

Sa katatapos lamang na Traffic Summit ukol sa epekto ng linya ng mga proyekto, maraming plano ang MMDA para kontrahin ito.

Ilan sa mga pinag-aaralang panukala ang pagtanggal ng window time sa color coding, ang 4-day work week at carpooling. May panukala ring “no green plate day” kung saan hindi makakadaan sa EDSA ang mga pribadong sasakyan sa loob ng isang araw.

Naglabas din ng website ang MMDA para ma-monitor ng taumbayan ang kontrata at update sa konstruksyon ng mga infra project.

Dahil sa idudulot na trapik, pinaiiwas na agad ang mga motorista sa mga lugar sa Maynila.

Ayon sa Citra Central Expressway Corp. na hahawak sa Skyway 3 project, oras na simulan ang proyekto, kabilang sa isasara ang southbound inner lanes sa pagitan ng F. Torres St. at Arellano Avenue.

Para sa mga sasakyang patungo sa Maynila gamit ang Skyway-SLEX, maaaring lumusot na lamang sa Magallanes, Don Bosco o sa Amorsolo.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://www.remate.ph

February 18, 2014 @ 10:14 AM