HELICOPTER NA SINASAKYAN NI PANGULONG AQUINO, NAG-EMERGENCY LANDING

Nagsagawa ng emergency landing ang helicopter na sinasakyan ni Pangulong Benigno Aquino III sa isang bahagi ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx) ngayong Biyernes ng umaga.

Ayon sa inisyal na ulat, kinailangang lumapag ng limang helicopter lulan si Pangulong Aquino at ilang myembro ng kanyang Gabinete dahil sa sama ng panahon.  Sinabi ni Presidential Communications Secretary Ricky Carandang na biglang umulan bandang alas-9 ng umaga kanina kaya’t napilitan ang mga piloto na ilapag ang mga helicopter.  Pupuntahan sana ng Pangulo ang mga nasalantang residente sa evacuation center sa Barangay Apulid, Paniqui, Tarlac.

Kasama ng Pangulo sa byahe sina Public Works Secretary Rogelio Singson, Social Welfare Secretary Dinky Soliman, Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, Energy Secretary Rene Almendras, Aurora Rep. Sonny Angara, TESDA chief Joel Villanueva at dating Akbayan representative Risa Hontiveros.

August 10, 2012 @ 10:33 AM