HABAGAT, POSIBLENG PAGPAULAN SA BALIK-ESKWELA WEEK – PAGASA

Posibleng ulanin ang bahagi ng bansa ngayong linggo dahil sa nagbabadyang pagsilip ng Habagat o southwest monsoon.

“Itong week na ‘to, nakikita po namin na uurong itong ridge ng high pressure area (HPA) so maaari pong itong linggong ito [ay] pumasok ang Habagat na maaaring magpaulan sa kanlurang bahagi ng Luzon,” ani PAGASA weather forecaster Jori Loiz sa panayam ng DZMM.

Ngunit hindi pa ito ibig sabihin na tag-ulan na.

Una nang nilinaw ng PAGASA na nasa ‘transition period‘ na ngayong ang bansa patungo sa panahon ng tag-ulan.

“So titingnan po natin kung papasok na sa criteria natin ‘yung mga pag-ulan na ‘yan. Du’n pa lang natin masasabi [kung] onset na.”

Una na ring ipinaliwanag ng PAGASA na para magdeklara ng tag-ulan, bukod sa pag-iral ng Habagat, kailangang makapagtala ng 25-millimeter rainfall sa tatlong istasyon ng weather bureau sa loob ng tatlong magkakasunod na araw.

Sa weather outlook ng PAGASA, maaaring magkaroon ng pag-ulan sa Hunyo 4-5 sa Metro Manila posibleng dahil sa Habagat.

 

SOURCE: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/Habagat%2C_posibleng_magpaulan_ngayong_linggo_-_PAGASA.html

June 1, 2014 @ 08:19 PM