ENHANCED DEFENSE COOPERATION AGREEMENT o EDCA, PURO PABOR LANG SA US – BAYAN MUNA REP. NERI COLMENARES

Dehado umano ang Pilipinas sa mga magi­ging kapalit na hirit ng Amerika at naniniwala ang isang kongresista na sarili lang ang maaasahan ng ating bansa sa pagtatanggol ng soberanya at teritoryo nito.

Iginiit ni Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares na kinakailangang makuwestyon ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Korte Suprema dahil puro pabor lang sa Amerika ang kasunduan.

“Dapat ma-challenge na ito sa Korte Suprema kasi lugi tayo dito sa kasunduan na ito. Hindi sila nagbabayad ng taxes pero ‘pag Filipino ang pumunta sa US nagbabayad ng buwis, wala silang visa, ‘pag Filipino ang pupunta sa US kinakaila­ngan ng visa,” paliwanag ng kongresista.

Dismayado ang solon sa muling pagbabalik ng mga Amerikano sa bansa na aniya ay malaking banta para sa Pilipinas.

“Magtatayo sila ng base militar dito sa atin. Ang ginagamit ng gobyerno na dahilan kung bakit nagkaroon ng EDCA ay para labanan ang China pero US mismo ang nagsabi na hindi ito tutulong para labanan ang China,” sabi ni Colmenares.

“Dapat labanan natin ang China, mukhang sarili lang natin ang aasahan sa laban sa China. Panawagan namin dati ang pag­laban sa panghihimasok ng China, humingi tayo ng tulong sa international community at huwag na huwag sa US dahil lugi tayo ‘pag sa US humingi ng tulong,” pagtatapos ng kongresista.

 

SOURCE: http://www.abante-tonite.com/

May 18, 2014 @ 06:03 PM