ECONOMIC AFFAIRS COMMITTEE, DISMAYADO sa PAG-INDIAN ng mga MIYEMBRO ng GABINETE sa HEARING UKOL sa METRO MANILA TRAFFIC

download

Dismayado ang Senate Committee on Economic Affairs sa hindi pagdalo ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Noynoy Aquino hinggil sa epekto ng trapiko sa Metro Manila.

Sinabi ni Senador JV Ejercito na hindi sapat ang pagpapadala ng mga kinatawan mula sa mga ahensiya, dahil hindi naman aniya nito masasagot ang mga tanong ng mga senador.

Nagbanta rin si Ejercito na ipapa-contempt ang mga opisyal dahil mistulang naglolokohan lamang ang komite kung hindi naman dadalo ang mga opisyal na ipinatawag.

Dagdag pa ng senador na hindi katanggap-tanggap ang sinabi ni MMDA Undersecretary Corazon Jimenez na abala sina MMDA Chairman Francis Tolentino at Cabinet Secretary Sec. Rene Almendras sa sitwasyon sa EDSA.

Hirit ni Ejercito, mahalaga rin ang oras ng mga senador lalo’t tinatalakay na ang panukalang budget para sa 2016.

Layon naman ng pagdinig na talakayin at malaman ang tunay na kalagayan ng problema sa trapiko sa Metro Manila at kung ano ang magagawa ng kongreso ukol dito.

Samantala, ayon kay Jimenez sa kanyang presentasyon, lumobo sa 11.5% ang dami ng mga sasakyan sa EDSA mula 2014, habang 17% naman ang itinaas ng bilang ng mga bagong sasakyan sa Metro Manila.

Binanggit din ni Jimenez na bilang solusyon sa problema ng trapiko, binuksan na ang South-West Integrated Provincial Transport Terminal sa ParaƱaque City. Inaasahan din ang pagsisimula ng konstruksyon sa South Terminal sa Taguig City sa susunod na taon, habang hinahanapan pa umano ng lugar ang itatayong North Terminal.

 

 

SOURCE:

http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/Mga_miyembro_ng_gabinete_ni_PNoy%2C_hindi_dumalo_sa_hearing_hinggil_sa_trapiko.html

September 7, 2015 @ 06:23 PM