DRIVERS NG MGA UV EXPRESS, NAGTIGIL PASADA NGAYONG LUNES PARA MAGPROTESTA UKOL SA MATAAS NA MULTA SA MGA KOLORUM

Nagprotesta ang mga driver ng UV Express sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City, Lunes ng umaga.

Tugon nila ito sa P200,000 multa sa mga kolorum na van na ipatutupad sa Huwebes, Hunyo 19.

Sa ilalim ng Joint Administrative Order (JAO) No. 2014-01 ng Department of Transportation and Communications (DOTC), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO), itataas din sa hanggang P1 milyon ang multa sa mga kolorum na bus; P200,000 sa mga trak; P120,000 sa mga sedans (kabilang ang mga taxi); P50,000 sa mga jeep at P6,000 para sa mga motorsiklo (kabilang ang tricycles).

Mahigit 300 UV Express driver ang huminto sa pagpasada at lumahok sa transport caravan dahilan upang bahagyang magsikip ang trapik.

Dakong alas-8:00 Lunes ng umaga, sunod na tinungo ng transport caravan ang tanggapan ng LTO at LTFRB kung saan sabayan nilang pinabusina ang mga ipinapasadang sasakyan.

Ayon kay Efren de Luna, national president ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), hindi makatarungan ang JAO dahil halos 5,000% ang itinaas sa mga ipapataw na multa.

Giit pa nila, hindi nakonsulta ang kanilang panig bago binuo ang bagong JAO.

“Dapat diyan ay pinag-aralan. Ang ipinagtataka ko, ilang beses pa lamang nagkakaroon ng public hearing, bakit nagkaroon kaagad ng implementasyon?,” ani de Luna.

Paniwala pa ni de Luna, magiging ugat lamang ng korapsyon ang mas mataas na multa.

Samantala, nagbalik-biyahe rin ang mga driver matapos ang protesta.

Pero sakaling hindi maresolba ang usapin, ikinakasa nila, kasama ang iba pang pampublikong sasakyan ang isang nationwide transport protest o tigil-pasada sa Biyernes.

 

SOURCE: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Metro/UV_Express_drivers%2C_nagtigil-pasada_bilang_protesta_sa_mataas_na_multa_sa_mga_kolorum.html

June 16, 2014 @ 07:01 PM