DRIVER NG DON MARIANO BUS NA NAHULOG SA SKYWAY NOONG LUNES, SINAMPAHAN NG KASONG RECKLESS IMPRUDENCE RESULTING IN MULTIPLE HOMICIDE AT MULTIPLE PHYSICAL INJURIES

Sinampahan na ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at multiple physical injuries ang driver ng Don Mariano bus na bumagsak mula sa Skyway na ikinasawi ng 18 indibidwal nitong Lunes.

Dumulog sa Parañaque Hall of Justice ang kaanak ng mga biktima ng naaksidenteng bus para papanagutin ang bus driver na si Carmelo Calatcat.

Ang Highway Patrol Group ang nanguna sa pagsasampa ng kaso.

Hindi pa kumpleto ang mga sinumpaang salaysay ng mga nakaligtas na pasahero dahil marami sa kanila ang nasa ospital pa rin.

Ayon sa mga unang nagreklamo, kung hindi dahil sa kapabayaan ni Calatcat at kung sumunod lang ito sa itinakdang speed limit, hindi anila sana nangyari ang malagim na aksidente.

Nahaharap sa parusang hindi hihigit sa anim na taong pagkabilanggo si Calatcat pero ang pamunuan ng Don Mariano Transit Corporation, posibleng makalusot sa kasong kriminal.

Ayon kay 2nd Assistant Prosecutor Napoleon Ramolete, “Kailangang mag-file sila ng civil case laban sa Don Mariano for damages lang kasi ang driver lang nila ang criminally liable.”

Nasa kritikal na kondisyon pa rin ang driver ng bus at ani Ramolete, “Walang kaso ‘pag namatay siya.”

Hinimok din niya ang pamilya ng iba pang biktima na magsampa ng kaso.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Metro

December 18, 2013 @ 07:26 AM