DONAIRE, DUMATING NA SA BANSA MATAPOS ANG TAGUMPAY SA KANYANG HULING LABAN KONTRA VETYEKA

Dumating na sa bansa si Nonito “Filipino Flash” Donaire Jr. matapos ang kanyang tagumpay sa katatapos na laban kay South African Simpiwe Vetyeka sa Cotai Arena sa Macau Sabado ng gabi.

Dakong alas-7:20 Linggo ng gabi, dumating sa bansa ang Pinoy pride kasama ang kanyang misis at anak.

Sa exklusibong panayam ng DZMM, inihayag ni Donaire ang pasasalamat sa lahat ng mga sumuporta sa kanya.

“Masayang-masaya ako kasi maraming tao na pumunta sa Macau, binigyan ako ng support and lahat ng mga tao na nanood. I’m really blessed and I’m very happy na ganun kalaki ang support na binigay [ng] Pilipinas sa akin,” sambit niya.

Hindi pa naman makumpirma ni Donaire, na nagwagi via technical decision, kung magkakaroon ng rematch sa pagitan nila ni Vetyeka.

“It’s up to the promoter but that’s what I want na mangyari ‘yung mga ganun kasi it’s unfinish… But for now, we’re always willing to fight,” anya.

Ibinahagi ng boksingero na posibleng ang kanyang footwork ang naging susi sa kanyang tagumpay.

Nakatulong din na ang kanyang ama na ang muling nagsasanay sa kanya.

“He made a tremendous improvement sa movements ko. Dati wala talaga akong footwork, this time, bumalik ‘yung footwork ko nung kami ng father ko when we got together,”anya.

Kinumpirma rin niyang 11 tahi sa bahagi ng mata ang kanyang tinamo sa sagupaan.

Samantala, dahil magtatagal ng dalawang linggo a bansa ang pamilya ni Donaire, balak nilang magbakasyon sa Boracay kahit sa maikling panahon lamang bago muling sumabak sa pagsasanay.

Makakasama rin anya niya sa isang dinner ang kanyang pamilya at mga kaibigan para ipagbunyi ang tagumpay.

Bukod sa pasasalamat sa kanyang pamilya at sa kanyang team, inialay din ng WBA featherweight champion sa mga Pinoy na sumuporta ang kanyang tagumpay.

“I dedicated it to all the [Filipino in Macau] and to all the people in the Philippines.”

 

SOURCE: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Sports/Donaire%2C_balik-Pinas_matapos_ang_laban_sa_Macau.html

June 1, 2014 @ 08:15 PM