DOJ UMALMANG WALA raw DAPAT KASUHAN sa PAGKASAWI ng SIYAM na SEABORNE COMMANDOS

senator-bong-bong-marcos-2

Walang pwedeng makasuhan kaugnay sa pagkamatay ng siyam na 84th Seaborne commandos ng Special Action Force (SAF), base sa ikalawang bahagi ng imbestigasyon ng madugong insidente sa Mamasapano noong Enero.

Sa press briefing Huwebes ng umaga, ipinaliwanag ni Justice Secretary Leila de Lima na bagama’t malinaw na ang pagkamatay ng siyam na Seaborne commandos ay resulta ng ‘deliberate acts’ ng mga armadong kalalakihan, wala aniyang makatukoy sa pagkakakilanlan ng mga naka-engkwentro ng mga commando sa Bgy. Pinsandawan nang salakayin nila ang tinutuluyan ni Marwan.

Ani de Lima, hindi rin maaaring ipagpalagay na ang 90 na unang kinasuhan kaugnay sa pagpatay ng 35 miyembro ng 55th Special Action Company (SAC) ng SAF ang sila ring responsable sa pagkakasawi ng Seaborne commandos. “Wala hong ka-ebi-ebidensya tungkol diyan.”

Dagdag pa nito, maging ang survivors ay hindi masabing ang mga nakababakan sa Bgy. Pinsandawan ang sila ring nakasagupa sa Bgy. Tukanalipao. “There is a crime, that was duly established, but no identity of the assailants.”

Samantala, wala umanong ebidensyang nakalap laban kay PO2 Christopher Lalan, ang tanging survivor ng 55th SAC, na umano’y pumatay ng ilang sibilyan. “‘Hindi na-identify ang alleged victims and there are no witnesses pointing to PO2 Lalan for the deaths of the civilians.” Dahil dito, walang kasong maaaring ihain laban kay PO2 Lalan.

Kinumpirma naman ang partisipasyon ng US troops sa Oplan Exodus. Gayunman, hindi nakitaan ng anumang paglabag sa Saligang Batas ang partisipasyon ng mga ito dahil sa mutual defense treaty sa pagitan ng Estados Unidos at ng Pilipinas.

Paglalahad ni de Lima, noong Enero a-25, mayroong pangkat ang US sa tactical post ng SAF. Mayroon din aniyang ginamit na US surveillance aircraft, pero binigyang diin sa ulat na ito ay ginamit para sa monitoring at hindi sa combat operations. Nilinaw din ng kalihim na ang partisipasyon ng US ay hanggang sa intelligence, monitoring, at medical assistance lamang. 

 

 

SOURCE:

http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/DOJ%3A_Walang_pwedeng_kasuhan_sa_pagkamatay_ng_Seaborne_commandos.html

October 8, 2015 @ 06:47 PM