DISQUALIFICATION CASES kay SEN. GRACE POE, DAPAT nang IBASURA – ELECTION LAWYER

apr13_gracePoe

Dapat nang ibasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) at Commission on Election (Comelec) ang isinampang disqualification case ni Rizalito David kontra kay Sen. Grace Poe.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni election lawyer Atty. Romulo Macalintal na forum shopping ang ginawa ni David.

Matatandaang nagsampa ito ng kaso laban kay Poe sa magkaparehong hukuman kahit pareho lang ito.

Ayon kay Macalintal, ipinagbabawal ang forum shopping o ang pagsasampa ng magkahiwalay pero iisang kaso sa magkaibang hukuman. Sabi pa nito, maaaring kasuhan ang nagsampa nito dahil sa paglabag sa batas.

“Napakadaling ipabasura ang nasabing kaso ngayon dahil sa forum shopping. ‘Yan ay isang panuntunan sa hukuman na hindi pupwedeng magsampa ka ng dalawang kaso sa magkabilang hukuman na magkapareho ‘yung nilalaman ng reklamo kasi magkakaroon ‘yan ng komplikasyon kung magkaroon ng pagkakaiba ang dalawang hukuman ng desisyon. Magkakabanggaan ang dalawang hukuman.”

Iniiwasan ang forum shopping para hindi na ito makadagdag sa libo-libong kasong tumatambak sa hukuman, paliwanag ng abogado.

“Bukod sa walang basehan ang nasabing kaso, lampas na sa panahon ang kasong isinampa sa SET, may dahilan na ngayon ang Senate Electoral Tribunal na ibasura agad ang nasabing kaso,” sabi pa nito.

“Para bang kung hindi siya makakakuha ng isang hustisya sa kabila, baka puwede sa kabila. ‘Yun bang nag-aala-tsamba ka ng iyong kaso. ‘Di puwedeng ala-tsamba, kailangan maging very, very definite ‘yung isinasampang kaso.”

 

 

SOURCe:

http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/Disqualification_case_vs_Poe_sa_SET_at_Comelec%2C_dapat_nang_ibasura_-_lawyer.html

August 18, 2015 @ 06:08 PM