DISIPLINA SA LANSANGAN, KAILANGAN!

cdbc545a1014f3811c62a7864f45d06b

Iginiit kahapon nina Senators Bongbong Marcos at Sonny Angara na hindi luluwag ang daloy ng trapiko sa bansa partikular sa Metro Manila kung hindi paiiralin ng mga motorista ang pagkakaroon ng disiplina.

Ayon kay Angara, naranasan niyang tumira sa London, Boston at New York pero ang Pilipinas lang ang nakita niyang bansa na puwedeng tumigil kahit saang lugar ang mga public transports tulad ng bus at jeep.

Naniniwala si Angara na mahalagang maging disiplinado ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan katulad ng ipinaiiral sa ibang bansa.

Sinabi naman ni Marcos na malaki ang maiaambag sa pagluwag ng trapiko ang pagkakaroon ng disiplina sa kalye.

Sa ngayon aniya ay naging “bad to worse” na ang problema sa trapiko na maging si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ay nanawagan na rin sa gobyerno na gawing prayoridad ang nasabing problema.

Idinagdag ni Marcos na bagaman at bahagi ng solusyon ang pagtatayo ng mga imprastruktura, pero kinakailangan rin ang disiplina para mapaluwag ang daloy ng trapiko.

 

 

SOURCe:

http://www.philstar.com/bansa/2015/08/28/1493024/disiplina-sa-kalsada-giit-sa-mga-motorista

August 28, 2015 @ 05:33 PM