DepEd BUMUO NG TASK FORCE NA TUTUTOK SA 4-DAY SCHOOL WEEK

Bumuo na ng task force ang Department of Education (DepEd) na mag-aaral sa panukalang tapyasan ang araw ng pasok ng mga estudyante at gawin itong apat na araw na lamang sa harap ng serye ng infrastructure projects.

Sa panayam ng DZMM, idinetalye ni Education Assistant Secretary Teonisito Umali na ito ang naging tugon ni Secretary Armin Luistro kasunod ng paglutang ng panukala.

Titimbangin anya ng task force kung ang panukalang apat na araw kada linggong pasok ang pinaka-epektibong gawin o may iba pang paraan.

“Inutusan na ang ating mga school division superintendent na tukuyin ang mga paaralan na maaapektuhan,” ani Umali.

Sa ngayon, hindi pa anya tiyak kung sa buong Metro Manila ipatutupad ang mabubuong rekomendasyon lalo’t hindi naman lahat ng estudyante ay dumadaan sa mga gagawing kalsada at imprastraktura.

“Dapat tingnan po ito nang mabuti dahil hindi biro na mag-4 day a week school schedule tayo. Obviously kung mababawasan ang oras, mababawasan din ang oras para mapag-aralan [ang mga module ng mga mag-aaral].”

Sa harap ng dalawang taong inaasahang pagtagal ng masikip na trapik dahil sa mga infra projects, tiniyak ng DepEd na aaksyunan nila ito.

“What we do is we do make up classes to compensate the lost days that we expect tio happen,” ani Umali.

Posible anyang ipatupad itong make-up classes sa pamamagitan ng pag-extend ng mga klase sakaling ipatupad ang 4-day schedule o posibleng Sabado.

Isa sa mga dapat din aniyang tingnan ay ang sitwasyon at rekomendasyon ng mga pribadong paaralan sa NCR na mas marami kumpara sa mga pampubliko.

Titingnan din ang posibilidad ng “flexi-time” sa mga estudyante.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

February 18, 2014 @ 10:35 AM