DENNIS CUNANAN KAKANTA NA SA SENATE BLUE RIBBON COMMITTE NGAYONG ARAW

Haharap ngayong Huwebes sa Senate Blue Ribbon Committee si on-leave Technology Resource Center (TRC) Director General Dennis Cunanan kaugnay ng pork barrel scam.

Sinasabing si Cunanan ang unang opisyal mula sa isinasangkot na implementing agency na naggiit kina Senador Juan Ponce Enrile, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Bong Revilla, na pawang nahaharap sa kasong plunder dahil sa scam.

Kasama rin umano sa salaysay ni Cunanan kung paano nagla-lobby at nagpe-pressure sa kanila ang mga senador pati kongresista.

Sinasabing mahalaga ang testimonya at mga ebidensyang inilatag ni Cunanan kaugnay ng naging partisipasyon sa scam.

Bukod sa corroborative ang testimonya nito sa pahayag ng mga unang whistleblower na lumutang, suportado rin ang salaysay nito ng mga dokumento tulad ng Memorandum of Agreement (MOA), Special Allotment Release Order (SARO) at Letter or Endorsement.

Isinailalim na ito bilang “provisional” na testigo sa Witness Protection Program (WPP) ng pamahalaan.

Tiniyak ni Committee Chairman TG Guingona na bubusisiin nila ang testimonya ni Cunanan, tulad ng ginawa sa paglutang nina Benhur Luy at Ruby Tuason.

Posibleng talakayin din sa pagdinig ang yaman at lifestyle check kay Cunanan.

Samantala, una nang sinabi ni Sen. Jinggoy Estrada na hindi siya interesadong harapin si Cunanan.

Aarangkada ang pagdinig, alas-9:00 ng umaga, kung saan inaasahang dadalo rin si Justice Secretary Leila De Lima at Luy.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

March 6, 2014 @ 09:43 AM