DATING DILG SEC. JESSE ROBREDO, HANGA KAY MAR ROXAS – CONGRESSWOMAN LENI ROBREDO

apr13_gracePoe

Sa ikatlong taon ng pagkamatay ni dating Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, ikinuwento ng kaniyang asawa ang naging samahan nila ng ngayo’y kalihim na si Mar Roxas.

“Higit pa sa pagiging magkaibigan, isa rin po kayo (Roxas) sa mga taong pinaniwalaan at hinangaan ng aking asawa mula noon pa man,” wika ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo sa Jesse Robredo Day Multi-Sectoral Forum sa Naga City.

Inilarawan pa ni Leni si Roxas na tila pangalawang asawa ni Jesse dahil sa pagiging dikit sa isa’t isa.

“Mula noong nabubuhay pa ang aking asawa hanggang ngayon, marahil ay marami po ang hindi nakakaalam ngunit matagal nang matalik na magkaibigan sila ni Jesse,” dagdag ng kongresista.

Ibinahagi din niya na tinulungan pa ni Roxas ang kaniyang asawa na makumpleto ang graduate studies nito sa Harvard.

Samantala, inilarawan naman ni Roxas ang matalik na kaibigan bilang isang tao na payak at tahimik na hindi naghahanap ng papuri sa mga nagagampanang trabaho.

“Hindi siya mahilig magpataasan ng boses sa entablado at magpapogi sa media,” banggit ni Roxas na tatakbong pangulo sa 2016.

Sa huli ay tiniyak ng ngayo’y DILG secretary na ipagpapatuloy nila ang mga nasimulan ng namapayapang opisyal.

 

SOURCe:

http://www.philstar.com/bansa/2015/08/18/1489494/jesse-robredo-pinaniwalaan-hinangaan-si-mar-leni#sthash.dAXWAKCM.dpuf

August 18, 2015 @ 06:14 PM