DALAWANG BAGYO, ASAHAN NGAYONG DISYEMBRE – PAGASA

Wala nang inaasahang bagyo na papasok sa kasalukuyang buwan ng Nobyembre subalit sa buwan naman ng Disyembre bago magtapos ang 2013 ay asahan pa umano ang dalawang papasok na bagyo sa bansa.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), magandang panahon ang mararanasan sa Luzon partikular sa Metro Manila sa susunod na tatlong araw, gayunpaman sa araw ng Sabado o Linggo ay magiging makulimlim umano ang kalangitan.

Sinabi ni Pagasa weather forecaster Glaiza Escullar, bagama’t mayroon pang mga bagyo na paparating sa susunod na buwan ay hindi nila inaasahan ang bagyo na magiging kasinlakas ni ‘Yolanda’.

Sakali umanong may dumating na dalawa pang bagyo ito ay papangalanan na ‘Alamid’ at ‘Bruno’, na ika-26 at 27 bagyo, ayon sa pagkakasunud-sunod.

“Kung pagbabasehan ang nagdaang bagyo na ang pinakamalakas ay si ‘Yolanda’, karaniwan ang dumarating na bagyo ay hindi naman kasinlakas gaya ng kay ‘Yolanda’,” ayon pa kay Escullar.

Samantala, apektado naman ng cold front ang Northern at Central Luzon dahilan upang makaranas ng maulap na papawirin na may mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat ang Cagayan Valley, Bicol Region, Eastern Visayas, Caraga at mga probinsya ng Aurora at Quezon.

 

SOURCE: http://www.abante.com.ph

November 21, 2013 @ 12:08 PM