CYBER PORNOGRAPHY DEN, NATUKLASAN SA LOOB NG ISANG PAARALAN SA MUNTINLUPA; 8 ARESTADO

Isang cyber pornography den ang natunton sa loob ng isang paaralan sa Alabang, Muntinlupa , Lunes ng gabi.

Ito’y makaraang salakayin ng National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division ang dalawang kuwarto sa loob ng Mountaintop Christian Academy sa Barangay Tunasan.

Walong lalaking suspek ang naaresto ng NBI sa operasyon.

Sinasabing nagpapanggap na babae ang mga ito at nakikipag-chat sa mga parokyano.

Sila umano ang nagbibigay ng mga pre-recorded video ng mga babaeng hubad oras na magbayad na ang kanilang kostumer.

Nakita sa loob ng dalawang kwarto sa paaralan ang mga mahigit 50 unit ng computer na ginagamit upang magbenta ng mga pornographic site at child pornography site sa Internet.

Nakumpiska sa cyber den sa paaralan ang ilang piraso ng USB flash disk o internal drive na naglalaman ng mga materyal na inilalagay ng mga suspek sa malalaswang site sa Internet.

Ayon kay Purisima Martinez, prinsipal ng paaralan, halos walong buwan pa lamang inuupahan ng mga suspek ang dalawang kuwarto at hindi nya alam ang  tungkol sa ilegal nitong operasyon.

Depensa naman ni Ferdinand Abejon na isa sa mga naaresto, tanging pagbebenta lang ng e-books ang kanilang negosyo at hindi pornographic den.

Sa inisyal na impormasyon, nabatid din na noon pang 2006 nag-expire ang lisensya ng paaralan.

Nahaharap sa Republic Act 9775 o Child Pornography Law at pinag-aaralan nang sampahan ng paglabag sa anti-human trafficking ang mga suspek.

 

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Metro

February 18, 2014 @ 10:47 AM