CRIMEA, NAGDEKLARA NA NG KASARINLAN MULA SA UKRAINE

Nagdeklara na ng kasarinlan mula sa Ukraine ang Crimea at hinihiling ng parliyamento nito na maging bahagi na sila ng Russia.

Ito’y makaraang manalo sa isinagawang referendum ang mga pabor sa pagkalas ng Crimea sa Ukraine.

Umabot sa 83-porsyento ang voters turnout at halos 97-porsyento sa mga ito’y bumoto pabor sa kalayaan ng Crimea Region.

Bunsod nito, hindi na sakop ng Ukrainian Law ang Crimea at lahat ng ari-arian ng Ukrainian government sa rehiyon ay magiging pag-aari na ngayon ng independent Crimea.

Inaprubahan na rin ng mga mambabatas ang paglilipat ng official currency ng Crimea sa Russian ruble mula sa dating Ukrainian hryvnia. Hindi pa batid kung kailan ilalabas sa rehiyon ang bagong currency.

Moscow standard time na rin ang susundin sa Crimea simula Marso 30 habang inaasahang magpapatupad din ng special tax system sa Crimea alinsunod sa umiiral na sistema sa Russia.

Lumagda na si Russian President Vladimir Putin sa isang decree na kumikilala sa kalayaan at soberenya ng Republic of Crimea batay na rin sakalatas na naka-post sa Kremlin website ng Russia.

Nakatakdang humarap sa isang joint session sa parliyamento ng Russia si Putin ngayong Martes upang talakayin ang mga pagbabago sa Crimea.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/World

March 19, 2014 @ 05:58 PM