CONG. MANNY PACQUIAO. NANANATILING ‘PINAKAMAYAMANG KONGREISISTA’ ; ANAKPAWIS REP. FERNANDO HICAP, ‘PINAKAMAHIRAP’

Sina Pinoy boxing icon Manny Pacquiao at dating first lady Imelda Marcos ang pinakamayayamang miyembro ng House of Representatives.

Sa summary report ng House of Representative sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth para sa taong 2013, lumalabas na si Pacquiao ang may pinakamalaking net worth na P13 bilyon.

Si Pacquiao na nagsimulang yumaman nang magkaroon ng sunud-sunod na panalo sa boksing bago pa man maging congressman ang nag-iisang bilyonaryo sa mababang kapulungan.

Sunod kay Pacquiao ay si Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos na may net worth na P992.8 milyon. Pangatlo naman sa listahan si House Speaker Feliciano Belmonte Jr., ang dating alkalde ng Quezon City, na may net worth na P819.749 milyon.

Ang tatlong mambabatas ay kabilang sa 30 miyembro ng mababang kapulungan na may yamang hindi bababa sa P100 milyon.

Kabilang sa 30 sina dating Pangulo at ngayo’s Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at mga aktres na sina Luci Torres-Gomez at Lani Mercado-Revilla.

Samantala, lumalabas naman na ang pinakamahihirap na miyembro ng mababang kapulungan ay si Anakpawis Rep. Fernando Hicap na may net worth na P37,722.
Kasama rin sa listahan ng may pinakamaliliit na net worth sina Abakada Rep. Jonathan dela Cruz (P550,000), Dinagat Islands Rep. Arlene Bag-ao (P598,013), Kalinga Rep. Abigail Ferriol-Pascual (P636,980) at Kabataan Rep. Terry Ridon (P900,000).
SOURCE: http://www.philstar.com/bansa/2014/05/28/1328299/pacquiao-pinakamayamang-kongresista
May 29, 2014 @ 04:15 PM