COMMEMORATIVE STAMPS ng 2 BAGONG SANTO NG SIMBAHANG KATOLIKO, INILABAS NA NGAYONG ARAW NG PHLPOST

Maaari nang mabili simula ngayong Lunes, sa halagang P200 ang bawat piraso ng commemorative stamps at souvenir sheets nina dating Pope John Paul II at Pope John XXIII na naging ganap na santo nitong Linggo.

Sa selebrasyon ng canonization activity sa Smart Araneta Coliseum nitong Linggo, pormal na ipinresinta ni Postmaster General Josie Dela Cruz kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang naturang special commemorative stamps at mga souvenir sheet.

Tampok sa mga limited edition comemorative stamp ang larawan ng mga hihiranging santo ng Simbahang Katolika sina Pope John Paul II at Pope John XXIII na may background na espesipikong emblem ng dalawa.

Sa kauna-unahang pagkakataon, 3-dimensional o 3-D ang mga stamp at may gold foil bukod pa sa naka-emboss ang mga ito.

May sukat na 38 milimetro ang stamp habang 105 milimetro x 70 milimetro naman ang souvenir sheet na kapwa dinisenyo ni Jose Antonio Jayme.

Kabuuang 10,000 piraso ng souvenir sheets ni Saint John Paul II ang inilimbag ng PHLPost at 5,000 kopya naman ang kay Saint John XXIII.

Mabibili sa Post Shop and PHLPost Philatelic and Retail Division sa Manila Central Post Office Building sa Liwasang Bonifacio ang mga special commemorative stamps at souvenir sheets.

 

NEWS ARTICLE FROM: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

April 28, 2014 @ 08:47 AM