COMELEC, MULING NAGPAALALA SA MGA LOCAL GOV’T UNITS (LGU) UKOL SA P10K CONTRIBUTION PARA SA NAPIPINTONG BARANGAY ELECTIONS

Nagbigay paalala ngayon ang Commission on Elections (Comelec) sa mga local government units (LGUs) hinggil sa kanilang P10,000 bilang kontribusyon sa napipintong barangay elections sa Oktubre 28.

Batay sa inilabas na resolution, binigyang diin ng poll body na tuloy pa rin ang pangongolekta ng kanilang mga field officials sa nasabing halaga, alinsunod sa Resolution No. 9739, kahit naipagpaliban ang pagsagawa ng Sangguniang Kabataan elections.

Una nang humingi ng tulong ang Comelec sa mga LGUs para mapunan ang kakulangan sa pondo nito sa pagsagawa ng lokal na halalan ngayong buwan.

Sinasabing aabutin ng P3.45-billion ang gagastusin ng Comelec para sa local elections habang nasa P1.175-billion lamang umano ang inilaang pondo para dito ng national government.

Ang malilikom na pondo ay gagamitin naman umano bilang pambayan sa mga public school teachers na magsisilbi bilang Board of Election Tellers sa araw ng halalan.

Binanggit pa ng kagawaran na mayroon hanggang Oktubre 18 ang mga LGUs para tumalima sa kanilang bayarin.

“The Comelec, through its field officials, shall endeavor to collect the amount required by Resolution No. 9739 without regard to whether or not the Sangguniang Kabataan elections will be postponed or not,” ayon sa Comelec Resolution 9783

NEWS ARTICLE FROM: http://www.bomboradyo.com/news/top-stories/item/25823-comelec-sa-lgus-oct-18-deadline-sa-kontribusyon#sthash.0B4b3j3E.dpuf

October 7, 2013 @ 10:40 AM