CHINA, WALANG PAKIALAM SA ITLOS PROCEEDINGS KAUGNAY NG HINAING KASO NG PILIPINAS UKOL SA PINAG-AAGAWANG TERITORYO SA WPS

Sa kabila ng pagpupursige ng Pilipinas na maresolba ang “territorial dispute” sa West Philippine Sea (WPS) o South China Sea sa pamamagitan ng diplomatiko at legal na pamamaraan, inihayag ng China na hindi sila makikiisa sa anumang gagawing pagdinig o proceedings sa International Tribunal  on the Law of the Sea (ITLOS).

Ayon kay Chinese Foreign Ministry spokesperson Hong Lei, kailanman ay hindi tatanggapin o hindi makikipagpartisipa ang China sa international arbitration na itinutulak ng Pilipinas.

Una na ring iginiit ng China na nais nila ang one-on-one negotiations mula sa mga bansang may claim sa pinag-aagawang teritoryo sa WPS o South China Sea partikular ang Scarborough shoal at Spratly group of islands.

Bunsod nito, inaasahan nang hindi magsusumite ang China ng kanilang “counter-memorial” bilang sagot at depensa sa halos 4,000 pahinang “memo” na inihain ng Pilipinas sa arbitral tribunal na naglalaman ng mga ebidensya na sakop ng Pilipinas ang pinagtatalunang mga reef at shoal sa WPS.

Nagpalala sa tensyon sa WPS ang patuloy na pangha-harass ng Chinese vessels sa mga barko at bangkang pangisda ng Pilipinas na kanilang hinaharang at itinataboy sa shoal sa pamamagitan ng pagbomba ng water cannon.

Sa kabila ng mga diplomatikong protesta ng Pilipinas sa panggigipit ng China, patuloy na nagkibit balikat ang Chinese government na iginiit na teritoryo nila ang nasabing rehiyon.

Bukod sa China, kabilang sa mga bansa na umaangkin sa mga bahagi sa WPS at nagkakaroon ng overlapping ng kanya-kanyang teritoryo ay ang Brunei, Malaysia, Taiwan at Vietnam.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://www.philstar.com/bansa

April 1, 2014 @ 09:55 AM