CHECK-UP PACKAGE PARA SA MGA INDIGENT AT SENIOR CITIZEN, HANDOG NG PHILHEALTH

philhealth

Mariing itinanggi ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na nauubos na ang pondo nito.

Sinabi sa DZMM ni PhilHealth Office of the Chairman Executive Staff head doctor Minguita Padilla na hindi rin totoong nagtitipid ang ahensya at sa halip ay lumobo pa nga ang gastos nito noong 2014.

Pagbibida pa ni Padilla, sa katunayan ay magkakaroon na rin ito ng check-up package kung saan uunahin muna ang mga mahihirap at senior citizen na mabibigyan ng libreng blood test, gamot para sa diabetes at hypertension.

Inaasahan aniya ng PhilHealth na mapaplantsa na ng Department of Health (DOH) sa Setyembre ang equipment na kailangan sa mga rural health unit para maisakatuparan ang check-up package sa Enero.

Nabanggit ni Padilla na pinalawak na rin ng PhilHealth ang dialysis package nito sa 90 sessions kada taon, mula sa dating 45 sessions kada taon.

Nagpasa na aniya ng board resolution kamakailan at ilalathala na sa susunod na linggo ang guidelines hinggil dito.

 

 

SOURCe:

http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/PhilHealth%2C_mag-aalok_ng_check-up_package%3B_dialysis_package%2C_pinalawak_pa.htmlphilhealth

August 9, 2015 @ 09:40 AM