CGMA, BINIBISITA NG ILANG OBISPO SA VETERANS

Binisita ng ilang obispo si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City, Linggo ng umaga.

Ayon kay Atty. Raul Lambino, chief of staff ni CGMA, kabilang sa mga lider ng Simbahan na dumating para mag-misa sina Nueva Caceres, Naga Archbishop Rolando Tirona, Tandag Archbishop Nerio Odchimar, Quezon Bishop Emilio Marquez, retired Tuguegarao Archbishop Diosdado Talamayan at Nueva Vizcaya Bishop Ramon Villena.

Sa homily, sinabi ng mga obispo na bumisita sila para hikayatin at tulungan ang dating pangulo na patatagin pa ang pananampalataya sa Diyos para lumabas ang katotohanan at makamit ang hustisya.

Nais din anila nilang ipakita ang tibay ng pakikipagkaibigan at pagmamahal kay CGMA na ngayo’y dumaranas ng karamdaman at pag-uusig.

Matatandaan namang bumisita na rin sa dating pangulo kamakailan sina dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, dating Lingayen Dagupan Archbishop Oscar Cruz at dating unang ginang at kasalukuyang Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos.

Ani Lambino, marami pang personalidad na gustong bumisita kay CGMA.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

January 27, 2014 @ 09:54 AM