BRIGADA ESKWELA, KASADO NA NGAYONG LUNES

Magsisimula na ngayong Lunes, Mayo 19 ang taunang Brigada Eskwela ng Department of Education (DepEd) sa mga paaralan sa bansa.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Jesus Mateo na ito’y huling bahagi ng Oplan-Balik Eskwela na sinimulan noon pang Enero bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa unang Lunes ng susunod na buwan.

Kabilang anya sa mga gagawin ang pagsasaayos ng silid-aklatan at pagkumpuni at paglilinis ng mga classroom.

Hinimok niya hindi lamang ang mga magulang kundi maging ang lokal na pamahalaan, kabataan at pribadong sektor na lumahok sa Brigada Eskwela na tatagal hanggang Mayo 24.

Samantala, nagpahayag din ng suporta ang Philippine Army sa isasagawang Brigada Eskwela.

Nasa 500 sundalo mula sa Civil Military Operations Group, Civil Military Operations Battalion at Headquartes Support Group ang ipapakalat ngayong Lunes upang tumulong sa pag-aayos at paglilinis sa 33 paaralan sa Muntinlupa, Taguig, Makati, Marikina, Caloocan, Pasay, Quezon City, Pateros at Maynila.

 

SOURCE: http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

May 18, 2014 @ 06:13 PM