BLESSED JOHN PAUL II at JOHN XXIII, IPOPROKLAMANG SANTO SA ABRIL 27, 2014

VATICAN CITY – Itinakda na ng Vatican sa April 27 ng taong 2014 ang canonization ni John Paul II.

Ang canonization ay ang seremonya kung saan opisyal na kikilalanin ng Simbahang Katolika bilang santo, ang dating Santo Papa.
Ang anunsyo ay ginawa ng Vatican matapos ang pakikipagpulong ni Pope Francis sa mga cardinals nitong hapon.
Kasama rin ni John Paul II na kikilalaning santo sa April 27, si Pope John XXIII.
Nabatid na sa kaniyang libing noong 2005, nanawagan ang mga nagmamahal kay John Paul ng “Santo Subito” o gawin kaagad siyang santo.
Hindi naman ang mga ito nabigo matapos na ipinag-utos ni dating Pope Benedict XVI na huwag nang hintayin ang limang taon, sa halip ay simulan kaagad ang proseso para maging santo ang kaniyang predecessor.
Kinilala ng simbahan ang dalawang milagro na gawa ng Polish pope.
Ang madreng French na si Marie Simon-Pierre ay gumaling sa kaniyang Parkinson’s disease habang isang babae naman sa Costa Rica ang gumaling mula sa brain aneurism nang magdasal kay John Paul II.
Napag-alaman na si John Paul II ay nagkaroon din ng nasabing sakit.
Noong nakaraang Hulyo nang aprubahan ni Pope Francis ang ikalawang milagro ni John Paul.
Ito na ang pinakamabilis na canonisation para sa isang santo sa loob ng ilang siglo.
Halos walong taon pa lamang mula nang namatay si John Paul II at anim na taon matapos ang kaniyang pagpanaw siya ay na-beatify.
Ang Polish-born pope ay tinaguriang “rock star pontiff” dahil sa tuwina’y libu-libong tao na nahahatak nito sa kaniyang pag-ikot sa mundo, tanda kung gaano ito kamahal ng mga tao.
Si John Paul II ay dalawang beses na dumalaw sa Pilipinas.
Samantala, unang pagkakataon din ito sa kasaysayan na sabay ang canonization ng dalawang Santo Papa. (CNN)

CHECK OUT : http://www.bomboradyo.com/news/top-stories/item/24826-canonization-ni-john-paul-ii-sa-april-27-2014-na#sthash.9WRfQACt.dpuf

October 1, 2013 @ 09:43 AM