BIR, KONTRA SA PANUKALA NI SEN. RALPH RECTO NA ITAAS ANG ‘TAX EXEMPTION CEILING’ SA 13th MONTH PAY NG MGA EMPLEYADO; P43B MALULUGI SA GOV’T – BIR

Kinontra kahapon ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares ang panukalang itaas ang tax exemption sa 13th month pay at iba pang bonuses dahil aabot sa P43 bilyon ang mawawala sa gobyerno taun-taon kapag naging isang ganap na batas ang panukala.

Ayon kay Henares na dumalo sa hearing ng Senate Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Sen. Sonny Angara, maaring hindi makabuti sa ekonomiya kung itataas ang tax exemption sa mga bonuses.

Kinakailangan aniyang timbanging mabuti ang pagbibigay ng karagdagang tax exemption dahil posibleng ang maging kapalit nito ay ang paghahanap naman ng panibagong mabubuwisan ng gobyerno.

“Kung gusto nila mag-exempt, maghanap ng ibang bubuwisan. Papayag ba sila roon?”pahayag ni Henars.

Ipinunto pa ni Henares na ang dahilan kung bakit maganda ang takbo ng ekonomiya ng bansa ay dahil maganda ang koleksiyon ng buwis.

“The reason why maganda ang ekonomiya ay dahil maganda ang koleksyon, pero pasang-awa pa lang tayo. Hindi pa nga tayo very good e, mamimigay pa tayo. E di babagsak tayo. Ano na naman mangyayari sa atin?” tanong ni Henares.

Layunin ng panukala na inihain ni Senator Ralph Recto na itaas sa P75,000 ang kasalukuyang P30,000 na ceiling ng 13th month pay at iba pang bonuses na papatawan ng buwis.

Samantala, inihayag ni Angara na dapat siliping mabuti kung papaano ang sistema ng taxation sa bansa at kung papaano ito kinukuwenta dahil lumalabas aniya na wala ng naiiwan sa bulsa ng mga ordinaryong empleyado dahil sa buwis.

“If you look at how much a typical Filipino individual is making, wala ng naiiwan sa bulsa niya. Sabay-sabay ang pagtaas ng presyo, talagang bigat na bigat na siya. There’s power rate hike, MRT fare hike, PhilHealth increase. Patong-patong na so ano pang naiiwan kay Juan Dela Cruz?” sabi ni Angara.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://www.philstar.com/bansa

December 18, 2013 @ 07:14 AM