BIR COMMISSIONER KIM HENARES, SINAMPAHAN NG REKLAMONG KRIMINAL AT ADMINISTRATIBO SA OMBUDSMAN

Sinampahan ng reklamong kriminal at administratibo sa Ombudsman si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares.

Batay sa reklamo ni Othello Dalanon, dating Revenue Officer 2, nabigo si Henares na singilin ang isang kumpanya ng P1.56 bilyong deficiency tax assessment noong 2007.

Ayon sa abogado ni Dalanon na si Stephen Cascolan, dawit din sa akusasyong grave misconduct at gross neglect of duty si BIR Deputy Commissioner Estela Sales.

Ani Dalanon, nag-resign na siya noong Hunyo 24, 2013 matapos madiskubre ang mga iregularidad sa ahensya.

Sa panayam naman ng Radyo Patrol, sinabi ni Henares na handa siyang harapin ang reklamo laban sa kanya.

Kumpiyansa siyang madedepensahan ang sarili dahil si Dalanon anya ang nagkamali sa komputasyon.

Lumapit na anya sa kanya ang kumpanya at iginiit na hindi kapani-paniwala ang malaking assessment ni Dalanon kaya ipina-audit niya ito sa dalawang team.

Lumabas anya sa parehong audit na sobra ang kwenta si Dalanon.

Samantala, binanggit ni Cascolan na nagpadala na rin ng sulat si Dalanon kay Pangulong Noynoy Aquino para atasan ang BIR na singilin ang umano’y P1.57 bilyong deficiency tax assessment.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

March 19, 2014 @ 06:01 PM