BINAY, POE at ROXAS, TULOY-TULOY ang PAG-IIKOT SA NORTHERN LUZON

binga-dam1

Tuloy ang tila pag-iikot ng tatlo sa pinakamatunog na kakandidato sa pagka-pangulo sa 2016 na sina Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, Vice President Jejomar Binay at Sen. Grace Poe.

Alas-9:00 ng umaga nang dumating si Roxas sa La Trinidad, Benguet at agad dumiretso sa kapitolyo.

Dito nakipagpulong ang kalihim kay Governor Nestor Fongwan para mabigyan ng detalye sa nangyaring pinsalang dulot ng nagdaang bagyong Ineng.

Ayon kay Fongwan, hirap pa rin sila sa search and retrieval operation sa Mangkayan kung saan 11 bangkay pa ang hinahanap matapos matabunan ng lupa.

Inaasahang sunod na tutunguhin ni Roxas ang Ilocos Sur na isa rin sa mga hinagupit ng bagyo.

Naglibot naman sa Ilocos Norte si Binay kasama ang gobernador ng lalawigan na si Imee Marcos.

Kabilang sa mga nadalaw na ng bise presidente ang mga bayan ng Pagudpud at Burgos.

Pangako ni Binay, magpapadala ang kanyang tanggapan ng relief goods para sa mga sinalanta.

Umabot na sa P1 bilyon ang halaga ng mga imprastraktura at produktong pang-agrikultura ang nawasak ng bagyong Ineng.

Samantala, sa ikalawang pagkakataon, dumalaw naman si Poe sa Dagupan, Pangasinan.

Hinarap ng senador ang mga estudyante ng University of Luzon at Lyceum Northwestern University at muling ibinida ang kanyang mga plataporma gaya ng pagpapabilis ng internet connection sa bansa.

Muli ring iginiit ni Poe na natural-born Filipino citizen siya at kwalipikado sakaling magdesisyong tumakbo sa pagka-pangulo o bise presidente sa 2016.

Inaasahang sunod namang bibisitahin ni Poe ang San Carlos na itinuturing anya niyang ikalawang tahanan dahil doon nakatira ang mga kamag-anak ng yumaong ama na si Fernando Poe Jr.

Noong Lunes, pare-parehong nasa Cebu naman sina Roxas, Binay, at Poe. Ulat nina Mae Cornes, Randy Menor, at Joanna Tacason.

 

 

SOURCe:

http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/Region/Roxas%2C_Binay_at_Poe%2C_kanya-kanyang_libot_sa_Hilagang_Luzon.html

August 26, 2015 @ 05:46 PM