BAGYONG YOLANDA, MAS MALAKAS PA KESA KAY BAGYONG PABLO – PAGASA

Mas malakas pa sa nagdaang bagyong Pablo ang paparating na bagyong Yolanda na nakatakdang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong madaling-araw ng Huwebes, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa panayam ng Abante Tonite kay PAGASA weather forecaster Alvin Pura, sigurado umanong magdudulot ng malaking pinsala ang naturang bagyo sakaling pumasok na sa bansa at ganap na makapag-landfall sa eastern Visayas sa pagitan ng Leyte at Samar sa araw ng Biyernes sa pagitan ng alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-tres ng hapon.
“Mas malaki po ang da­mage na idudulot ni Yolanda kung ikukumpara kay Pablo, mas mabilis at mas malakas habang papalapit ng PAR,” ayon pa kay Pura.
Matatandaang hinagupit ng bagyong Pablo ang ilang lalawigan sa Bicol at Visayas noong nakaraang taon kung saan nag-iwan ng maraming patay dahil sa taglay na lakas na umabot sa 180 kilometro kada oras.

Sa katatapos na press conference kahapon, kumikilos si Yolanda sa direksyong kanluran hilagang kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras taglay ang lakas ng hanging aabot sa 175 kilometro kada oras at bugso ng hanging aabot sa 210 kilometro kada oras sa layong 1,221 kilometro silangan ng Mindanao.

Hindi naman isinantabi ng PAGASA ang pagtataas ng storm warning signal no. 4 sa ilang mga lalawigan sa eastern Visayas dahil sa taglay na lakas at bilis ni Yolanda. Tatama umano ang mata ng bagyo sa northern Cebu, northern Panay, Masbate, Romblon, Mindoro at North Palawan.

Sa ilalim ng storm warning signal no.4 ay magdudulot ng malaking pinsala sa mga taniman partikular sa mga niyog, palay at mais, pagkabunot ng mga ugat ng malalaking puno, pagkawasak ng mga kabahayan, pagkasira ng mga ilang gusali, pagkawala ng supply ng kuryente sa mga komunidad.

Samantala, bagama’t hindi umano tatama ang mata ng bagyo sa Metro Manila ay makakaranas din ng masungit ng panahon ang Metro Manila habang papalabas ng bansa si Yolanda sa Sabado.

 

NEWS ARTICLE FROM http://www.abante-tonite.com

November 7, 2013 @ 10:40 AM