BAGYONG HANNA, PINAPALAKAS ANG HABAGAT

ac63ecc6419544f4db7d546161587052

Pinalalakas ng Bagyong “Hanna” ang Habagat na nakakaapekto sa Katimugang Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon sa PAGASA, dakong ala-5:00 Huwebes ng umaga huling namataan ang bagyo sa layong 955 kilometro silangan ng Basco, Batanes

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni PAGASA weather forecaster Meno Mendoza na bahagyang humina si Hanna nitong Miyerkules ng gabi, taglay ang lakas ng hangin na 175 kilometer per hour (kph) malapit sa sentro at pagbugsong nasa 210 kph.

Patuloy itong kumikilos pa-kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Nakataas ang babala ng bagyo bilang 1 sa Batanes group of islands.

Pinag-iingat ng weather bureau ang Bicol, Visayas, Mindanao at Palawan sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa na dulot ng pag-ulan na dala ng Habagat.

Mararanasan naman ang maulap na papawiring may mahina hanggang katamtamang pag-ulan at pulo-pulong pagkidlat-pagkulog sa Metro Manila at CALABARZON gayundin sa mga lalawigan ng Mindoro, Marinduque at Romblon.

Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan ang iiral sa nalalabing bahagi ng Luzon.

Banggit pa ni Mendoza, nananatiling mababa ang posibilidad na mag-landfall o tumama sa kalupaan si Hanna.

Sa Sabado inaasahang lalabas ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bagama’t patuloy itong makakaapekto sa lagay ng panahon sa bansa hanggang sa susunod na linggo.

 

 

SOURCe:

http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/%27Hanna%2C%27_pinalalakas_ang_Habagat.htmlac63ecc6419544f4db7d546161587052

August 6, 2015 @ 11:56 AM