BAGYONG HANNA NAKALABAS NA SA PAR

934a63c99c23e79bb360eab45cba1eb8

Nakalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang Bagyong Hanna na may international name na Soudelor.

Ayon kay PAGASA weather forecaster Shelly Ignacio, bandang alas-3:00 Sabado ng hapon nang lumabas ng PAR ang bagyo subalit kinailangan pa ring magbigay ng update hinggil dito dahil nakaaapekto pa rin sa bahagi ng Batanes ang mga kaulapan nito na nagdadala ng pag-ulan.

Sa abiso ng weather bureau, dakong alas-4:00 Sabado ng hapon ay natukoy ang mata ng bagyo 445 kilometro sa hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes.

Humina pa ito at taglay na lamang ang lakas ng hanging aabot sa 130 kilometers per hour (kph) at pagbugsong 160 kph.

Kumikilos ito sa direksyong hilagang-kanluran at bilis na 20 kph at nagbabanta sa mainland China.

Bagama’t nakalabas na ng PAR si “Hanna”, nakataas pa rin ang babala ng bagyo bilang isa sa probinsiya ng Batanes.

Ayon sa PAGASA, katamtaman hanggang malakas na ulan ang asahan sa mga lugar na sakop ng 700 kilometrong diametro ng bagyo.

Apektado pa rin ng habagat ang Katimugang Luzon at kanlurang bahagi ng Hilaga at Gitnang Luzon at Visayas.

Pinaiiwas naman sa mga baybayin ng Luzon at Eastern Visayas ang mga mangingisda.

Ang mga nakatira sa mabababang lugar ay pinag-iingat sa pagbaha habang pagguho ng lupa naman ang babala sa mga nasa bulubunduking lugar.

 

 

SOURCE:

http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National/%27Hanna%2C%27_nakalabas_na_ng_PAR%3B_nagbabanta_sa_mainland_China.html

 

 

 

 

 

 

934a63c99c23e79bb360eab45cba1eb8

August 9, 2015 @ 09:43 AM