BAGONG LPA NA NASA SILANGAN NG MINDANAO, POSIBLENG PUMASOK SA PAR NGAYONG LINGGO

Isang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayan ng PAGASA.

Sa panayam ng isang AM station, sinabi ni PAGASA weather forecaster Samuel Duran na 1,000 kilometro pa ang distansya nito mula PAR line ng bansa at nasa silangan ngayon ng Mindanao.

Malayo pa naman ito ngunit ani Duran, “maaaring by Thursday or Friday o maaaring Wednesday o Thursday pa, ‘yun ang nakikita nating pumasok ng ating PAR.”

Detalye ni Duran, ang mga ganitong weather disturbance ang posibleng magpalakas ng Amihan o northeast monsoon.

Sa ngayon, patuloy na makararanas ng mahinang pag-ulan at malamig ang klima sa bansa dahil sa Amihan.

Ngayong Lunes ng umaga, malamig na panahon pa rin naranasan sa Metro Manila na bumaba sa 19.8 degrees Celsius at 11.2 degrees naman sa Baguio.

Bababa pa anya ang mga ito sa mga susunod na araw dahil nasa “peak” pa ito.

May gale warning pa rin sa northern seaboard ng Northern Luzon at eastern seaboard ng Southern Luzon at eastern seaboard ng Visayas at Mindanao.

Pagdating ng Marso, posibleng humina na ang Amihan dahil pa-“transition” na ito sa panahon ng tag-init.

 

NEWS ARTICLE FROM : http://dzmm.abs-cbnnews.com/news/National

January 27, 2014 @ 10:06 AM